Thursday, April 3, 2008

Kwento

Ewan. Yan lagi ang sagot nya sa chat sa bawat tanong ko sa nararamdaman nya sa'kin. Sabay bawi ng hehe sa dulo na para bang umo-oo pero ayaw nyang ipaalam. Kilig naman ako. Parang lumalapit na ang araw na maririnig ko ang matamis nyang oo, na walang pagkukubli, na walang pasubali.


Nang una kaming nagkita, matagal akong naghintay. Dun sa Coffee Bean and Tea Leaf sa may Paseo de Roxas, mahinahon kong binasa nang buo ang Philippine Star habang pigil na pigil ang aking paghinga. Kasi naman, baka dumating sya e ma-turn off sa lumuluwal kong tyan. Ilang buwan na kasi nang huli akong nag-gym. Tumigil ako dahil malapit na nun yung Bar Exams, grabe na ang pressure ng pag-aaral. Kesa naman ang pagmememorya ang isakripisyo ko, di bale nang tumaba nang kaunti, makapaghanda lamang dun sa isang buwang eksamen. Kaya ayun, nung gabing inaabangan ko ang kanyang pagdating, pilit kong itina-tuck in ang tyan ko, sayang naman ang first impression.


Dumating syang huli ng ilang minuto. Mga 40 minutes ata. Nagsabi naman syang nagkaroon sila ng biglaang pagpupulong. Kaya lang, naglalakad nako sa Paseo nung matanggap ko yung mga text message nya kaya nauna pa rin ako. Kaya ayun, nagulat na lang ako nung may biglang tumapik sa likod ko sabay sabi ng "hoy." Paglingon ko, ayun sya, nakatitig sakin, parang tinatantya kung sino at ano ako. Naisip ko kaagad, sana nga maging kami, masarap siguro syang alagaan.


Tumagal kami ng ilang oras sa coffee shop na yun, kwentuhan lang. Nakakamiss.


Matagal-tagal din kaming nagkulitan pagkatapos nun. Minsan sa tawagan sa cellphone, minsan sa chat. Dati nga di halos kami pareho makapagtrabaho kasi wala kaming inintindi sa maghapon kundi ang pagcha-chat namin. Nakatutuwa kasi syang kausap eh. Laging may hehe at haha sa dulo ng pangungusap. Hindi boring. 


Nakakamiss.


Hanggang sa ayun, nangyari na nga yung nangyari. Hindi na kami nagkibuan. Hindi na nya sinasagot ang mga tawag ko, kahit text at chat. Para bang parang bula syang nawala sa buhay ko. Wala rin ngang pagpapaliwanag kung hindi ko pa sya pinadalahan ng pm sa multiply


Nakakalungkot. Nakakamiss.


Magulo kasi yung gabing yun. Di ko alam kung anong nangyari. Basta ang natatandaan ko, naramdaman ko na lang na naiinis na sya sa'kin dahil dun sa mga sagot nya sa text ko. Para raw ako yung ex nya. Ginawa ko raw yung mga masasamang ginawa sa kanya nun. Nagulat naman ako. Di ko lubos maisip kung ano yung pinaparatang nya. Tinanong ko sya. Di nya sinagot. Sabi nya, please patulugin mo ako. Para bang sinasabi nyang tantanan ko na sya. Pakiramdam ko tuloy isa akong kriminal na may ginawang masama sa kanya nung gabing yun.


Hindi ako nakatulog. Para bang nakulong ako na hindi man lang dumaan sa paglilitis. Guilty na kaagad. Walang tanong-tanong. Walang pali-paliwanag.


Pero mas masakit nung dumating ang umaga. Kulang na lang sabihin nyang wala akong kasalanan pero iiwanan pa rin nya ako. For our sake raw. Bukod dito, sinabi rin nya na di pa rin daw nya malimutan ang ex nya. At makaka-move on lang daw sya pagnakaalis na sa Pilipinas yung tao. Sa June.


Parang gumuho ang mundo ko. Tumigil ang pag-ikot at dahan-dahang nalihis sa orbit nito. Gusto ko syang tanungin, wala ka na bang nararamdaman para sakin? Pero natakot ako. Hindi ko itinanong. Natakot ako sa mga pwede nyang maging sagot. Natakot ako na baka ngayon, matapos ang lahat, ang ewan ay hindi na oo. Na baka wala nang hehe na babawi sa dulo ng kanyang pangungusap.


Kaya hinahanap-hanap ko sya hanggang ngayon. Kaya isinusulat ko ito ngayon.


Nakakamiss.


Sana bumalik ka.




No comments: