Thursday, November 5, 2009

Kay Bob Ong

Sabi ni Bob Ong, 


"Alam mo ba kung gaano kalayo ang pagitan ng dalawang tao pag nagtalikuran na sila? Kailangan mong libutin ang buong mundo para lang makaharap ulit ang taong tinalikuran mo."


Ibinahagi ko ito sa Facebook at hindi kalaunan ay tumugon ang isa sa aking mga kaibigan.


Mula kay Mos:


Teka, parang mali pala si Bob Ong, hindi naman pala buong mundo ang kailangang ikutin (360 degrees) kundi kalahati lang ng mundo (180 degrees). Kasi kung buong mundo ang inikot mo, hinanap mo siya para talikuran lang ulit. Mas masakit yun.


Pero ang pinakamasakit siguro ay yaong magkaharap kayo, pero alam mo naman na wala kayo sa puso ng isa't isa.O kaya naman ay nasa puso mo siya, pero wala ka sa kanya.


Sa ganoong pagkakataon, pagbigyan ang sariling umiyak at magdalamhati. Ibuhos mo lahat. Kapag umiiyak ka pa din pero wala nang luha ang pumapatak mula sa iyong mga mata, aba tama na. Oras na para patawarin mo siya at ang iyong sarili. Tapos, hayaan mo na. Hindi naman katapusan ng "buong mundo" kapag tinalikuran ka ng isang tao. Ang totoo nyan, nagpapatuloy lamang ang pagikot ng mundo kung saan maari kang makatagpo ng karapat-dapat.


Mula sa akin:


Huwag kang mag-alala, hindi ko hahayaang umikot na lamang ang mundo nang hindi ko namamalayan. Hindi ako tatayo na lamang upang pagmasdan ang pag-ikot ng aking kapaligiran. Lalakad ako, Mos. Tulad ng dati, magpapatuloy ako sa aking paglalakbay. Hahakbang muli at sasabay sa pag-inog ng mundo ang aking mundo. At sa huli, bibitbitin at aalalahanin ko lamang ang mga tao at alaalang magtutulak sa akin sa aking paglalakbay. Ang lahat ng iba pa'y iiwanan at mananatiling bahagi lamang ng aking nakaraan. 


Masaya ako at kabahagi ka ng aking kasalukuyan. Walang duda, isa ka sa mga taong aking aakbayan sa pagpapatuloy ko sa aking bawat paghakbang. 


Salamat.


---


Ikaw, sinu-sino ang mga kasama mo sa iyong paglalakbay?

No comments: