Lumubog na naman ang haring araw. Isang araw na naman ang nagdaan. Isang araw na puno ng stress dahil sa maraming nakaambang na trabaho. Trabahong laging nadaragdagan at hindi man lang mabawas-bawasan.
Alas sais na nang umalis kami sa Fontana. Nag-dinner muna kami ni Ms. Emy bago tumulak pabalik sa Maynila, gutom na raw sya eh. Okay na rin sakin para tipid na sa hapunan pag-uwi ko sa bahay.
Kaya naman padilim na nung nakalabas sa NLEX ang van na sinasakyan namin. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim sa lahat ng dako ng kapaligiran. Halos hindi ko na nga nakita nang buo yung bagong Marquee Mall na itnatayo sa may Angeles Exit. Sa bandang kanan ko, bahagya ko nang nasilayan ang ginintuang kulay ng langit dahil sa paglubog ng araw. Oo nga, pagabi na naman--oras na pinakaaayawan ko.
Ipinaaalala kasi nito na kahit anong gawin ko, mananalo pa rin ang dilim sa laban na iyon. Na kahit anong pagpipilit at paghahanda ang pagdaanan ko, darating at darating din ang gabi. At, noong bata pa ako, kasama nitong madalas ang ingay, pagtatalo, at takot. Ingay dahil sa boses na lango sa alak, pagtatalong walang kahit na anong basehan, at takot sapagkat wala akong matatakasan. Wala akong ibang mapupuntahan.
***
Nasa A. Bonifacio na kami nang muli kong namalayan ang aking kapaligiran. Nawala na naman pala ako sa pag-alala ng mga mapapait kong karanasan noong bata pa ako. Hindi ko tuloy napansin na nakapag-exit na pala kami ng NLEX, at gabi na naman pala.
Ilang taon na rin mula nung huli ko syang nakita. Pero hanggang ngayon, naaalala ko pa sya, at ang mga nagawa nya.
Sana, mag-umaga na.